|
Eto ang isang alamat na alam ng karamihan sa mga bata, at itinuturo rin sa mga paaralan para bigyang asal ang mga batang tamad. Ang mga batang tamad na kapag inuutusan ng mga magulang ay kunwaring di nakikita ang bagay na iniuutos sa kanila. Di ba kayo nagtataka kung bakit tila maraming mata ang prutas na pinya? Eto ang alamat ng pinya, na hanggang ngayon ay natatandaan ko pa, mahilig kasi akong magbasa ng mga alamat noon. Ang Alamat Ng Pinya Noon daw ay may isang batang babae na nagngangalang Pina. Ubod ng tamad ang batang si Pina. Ayaw nya ng nauutusan ng nanay nya, at padabog sya kung sumunod. Lagi rin syang nagkukunwari na hindi nya nakikita ang iniuutos sa kanya ng kanyang nanay kahit na nasa harapan nya lamang ito. Isang hapon, na nagbabadya ang bagyo ay pagod na umuwi ang nanay ni Pina galing sa trabaho at kailangan nya pang magluto para sa hapunan. Inutusan nya si Pina, "Pina, anak pakiabot mo nga ng sandok." At si Pina na ayaw maabala sa kanyang paglalaro ay sumagot, "Asan po Inay, di ko naman makita ang sandok eh." Hanapin mo, naririyan lang yun," wika ng kanyang nanay habang ang ulan ay malakas ng bumubuhos sa labas. Sa pagkakataong ito ay nagagalit na ang kanyang Inay. " Bakit ba naman Pina sa tuwing uutusan kita ay laging di mo na lang magawa, at sana'y tubuan ka ng maraming mata para makita mo ang hinahanap mo. " At galit na nagpatuloy sa pagluluto ang kanyang nanay. Maya-maya ay kumulog at kumidlat ng malakas, kasabay ng pagbuhos ng ulan, at nawawala na si Pina. Hinanap sya ng kanyang nanay sa loob at maging sa bakuran ngunit di niya makita ang kanyang anak. Sa pagtila ng ulan, nasilayan niya ang isang halaman na may bunga ng kakaibang prutas. Prutas na kapag binalatan mo ay tila maraming mata. (Ito ang parte ng pinya na inaalis bago kainin ang prutas.) Naniniwala ang ina ni Pina na ito ang kanyang anak. Lalo pa ng maalala nya ang kanyang sinabi sa anak ng siya'y nagagalit, " Sana'y tubuan ka ng maraming mata upang makita mo ang hinahanap mo." Umiyak sya sa sinapit ng anak, ngunit di na nya maibalik sa dati si Pina. Sa ngayon, ang prutas na ito ay nakilalang pinya.
|